Wednesday, November 24, 2010

Alam mo ba ang Kiamoy ko? :)

Alam mo ba ang Kiamoy ko? :)

Ano ang iyong paboritong pagkain at bakit? Iyan ang tanong na aking sasagutin sa sanaysay kong ito. Nang aking marinig ang katagang iyan, dali-daling pumasok sa aking isipan ang aking paborito. Sapagkat marahil ang iba’y bahagyang nagisip kung ano ang kanilang itatampok sa mangilan-ngilan nilang paborito. Ngunit di tulad ng karaniwan na ang isasagot ay iba’t ibang lutong potahe tulad marahil ng sinigang at adobo na gawa sa kung ano pa man at marami pang iba, ang paborito ko’y tila isang kendi na hindi pangkaraniwan na nasisiguro kong ni hindi man lang pamilyar ang iba. Kaya naman huwag na natin pang patagalin ito.
Aking ipinagmamalaki na mula ng ako’y kinder pa lamang o limang taong gulang, ito na ang paborito kong pagkain; ang KIAMOY. Una ko itong natiman noong ako’y bigyan ng aking tiyahin, ang nakababatang kapatid ng aking ina, at mula noon ay hinanap hanap ko na. Siya’y bumibili pa sa Aji Ichiban, isang Chinese store sapagkat sinasabing ang kendi na ito ay nagmula pa sa bansang Tsina.
 Dumako naman tayo sa ingredients mayroon ito. Ako’y magiging tapat, gustong gusto ko ang Kiamoy ngunit hindi ko alam kung saan gawa ito. Kaya naman kinailangan ko pang mag-Google, Yahoo at maging ang Wikipedia upang ito’y hanapin pa ngunit lahat ng aking nakita ay puro paguusap ng iba’t ibang tao patungkol sa karanasan nila dito; karamiha’y nagsisimula sa pagtatanong kung alam na nila ang pagkaing ito na sinusundan naman ng kung saan sila makabibili, ang pasasabing kanila itong titikman at ang hindi mawawalang nasusuklam sila sa lasa nito. Gayunpaman, may nakita akong maaaring magpaliwanag kung ano nga ba ang mayroon dito. Ito’y nagmula sa nagpapakilalang si Paulo Ordoveza na kanyang pinost noon pang Agosto 12, 2002; “(Kiamoy: Dried preserved plums coated in salt, sugar, and licorice powder. Intensely salty and sweet and sour all at once. NIBBLE ONLY. DO NOT POP IN MOUTH WHOLE. The seeds are still in the plum, and the flavor is VERY intense. Great prank food. ;)Inyo na bang naiisip kung ano ang itsura nito? Oo nga pala, nakalimutan kong banggitin na ang alam ko lang na ingredient mayroon ito ay ang asin. Bakit? Sapagkat hindi maikakailang napakaalat ng kending ito, iyon ang una una among malalasahan. Ngunit habang tumatagal, malalasahan mo rin ang asim at kaunting tamis mayroon ito. At isa pa pala, ang itsura nito. Tila ito isang maliit na bato na talaga namang baku-bako, maaaari rin sigurong maihambing sa  tigpipisong sampalok na nabibili sa mga sari-sari store na karaniwang sinasabi ng mga pinatitikim ko nito. Ang Kiamoy ay kulay kahel. Ngunit mayroon ding tinatawag na Red Kiamoy, White Kiamoy at maging Seedless Kiamoy (ngunit iyon ay itim na medyo paahaba ang hugis).
Marami akong nakakatawang karanasan sa Kiamoy. Napakasaya ko na kahit ako’y nasa UST ay maaari akong makabili nito. Isang araw habang kami’y nasa P. Noval ng aking mga bagong kaibigan na sila Bianca, Roshiko, Mille, Rochil at Klara, nakakita ako ng mamang nagbebenta ng iba’t ibang kendi. Ako’y umasa agad na sa dinamidami ng mga kendi doon ay mayroong Kiamoy. At nang makita ko nga iyon, sabihin niyo ng ako’y OA ngunit talaga naming ako’y napalundag pa sa tuwa. Mula noon, napagalaman kong makabibili din pala ako nito sa paligid-ligid ng UST. Ngunit ito’y tsempuhan lamang. Isang beses pang kami’y nasa P. Noval muli, ako’y nagpapaprint sa isang computer shop habang sina Bianca at Roshiko naman ay naghihintay sa labas, paglabas ko’y sinalubong nila ako ng Kiamoy. At ano ang iyong inaasahan? Syempre ako’y tuwang tuwa na naman.  Dumaan pala si manong kendi. Malas at di ko siya naabutan. Nakakatuwang maging sila ay bumili rin nang mapagalamang paborito ko iyon. Ngunit katulad ng iba, surang sura din sila dito. Tila daw lumaklak ng sandamakmak na asin ayon kay Roshiko. Marami man ang may ayaw nito, may mangilan-ngilan din naman na tulad ko ay nagustuhan ang lasa nito. Noong ako’y hayskul pa, pinatikim ko ito sa aking kamagaral at simula noon ay naging paborito niya na rin ito. Minsan pa’y nagbibigay siya ng pera upang ibili ko siya sapagkat mayroong malapit na bilihin sa amin. Hanggang sa dumating sa punto na tuwing mayroon kami nun, magdadamutan pa kami huwag lamang kaming maubusan. Nang malaman ko rin na gusto rin pala iyon ni Ponci, ako’y natuwa sapagkat bihira lamang akong makatagpo ng taong gusto rin ang lasa nito. Isa pang nakakatawang karanasan na naganap lamang kahapon ay nang magpunta kami ni Roshiko sa Asturias upang maghanap ng patatas at sibuyas na gagamitin sa klase naming sa HRM. Hindi kasi namin alam na kinakailangan palang magdala sapagkat ito’y ipinost lamang sa FB. Kaya kami’y kumaripas ng paglalakad mula sa aming masarap na pagkakaupo matapos mananghalian. Tila kami naghahanap sa kawalan sapagkat puro kainan ang aming nakikita. Habang kami’y kumakaripas na nga, sinabi kong pag nakita ko sa manong kendi ay talaga naming bibili ako kahit pa ako’y nagiipon. At ayun nga at amin siyang nakita. Kahit pa less than 30 minutes na lamang ay magtataym na at hindi pa kami nakakapagbihis, talaga naming nagabala pa kong bumili nito. Pitong piraso daw sampung piso ayon kay manong. Ako’y humirit pa ng isang dagdag ngunit ayon kay manong ay lugi daw siya. Ok lang sapagkat ako naman ang namili at talaga namang aking pinili ang pinakamalalaki na ikinagulat ni manong. Panghuli, ibabahagi ko lamang na ako’y madalas pagalitan ng aking mga magulang sa tuwing ako’y bibili nito. Magkakasakit daw ako sa bato sa sobrang kaalatan nito.
Hindi ko alam kung nauunawaan niyo ba ang aking mga pinagsasasabi o kinakausap ko lang ba ang aking sarili. Oo, ako’y dakilang adik sa Kiamoy. At hindi ko talaga ito ipagpapalit sa iba ko pang gustong pagkain gaya ng Crispy Kangkong, Lasagna, Pizza, Liempo o Kare-kare man. At upang wakasan ang pagiisip ng mga hindi nakakakilala sa pagkaing ito, masasaksihan ninyo sa ibaba ang itsura nito. Maraming maraming salamat sa inyong pagbabasa! J

https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEjLaBdTtQNWa-QsVe5yuo69M1J8ZPzp2YKna45ZvgA9WTn8mii0fD1Dn9m5bLXyU45GkW1Pg8E5c_46n_lpT11EKcy7c0HOyFyM7sJmyIJSACBhpADWxmbp51W6R_rH4oh1lhg679zuRMnY/s320/Kiamoy.JPG